Press "Enter" to skip to content

TIMESMAN | Sa iyong kaarawan, anak!

SA kaunaunahan pagkakataon sa loob ng 24 na taon, ikaw ay magdiriwang ng iyung kapanganakan sa araw na ito (Oktubre 25, 2024) na malayo sa akin at mga kapatid pagkatapos mong tanggapin ang alok ng isang malaking kompanya na madestino sa isang malayong siyudad ng Mindanao at mabuhay nang mag-isa at hanapin ang iyung kapalaran sa sariling pagsisikap.

Bagamat masakit, hindi kita pinigilan dahil alam kong handa ka nang mabuhay na mag-isa – malusog na pangangatawan at pag-iisip, nakatapos na Cum Laude sa Ateneo at may matatag na hanap-buhay upang harapin ang kahirapan at kahit ano mang hamon sa buhay.

Masakit, pero tinanggap ko ang ating paghihiwalay dahil ang tagumpay na tinatamasa mo ngayon ay kapwa natin binuo at inasahan mangyayari sa ano mang oras at magpapatuloy sa darating pang mga taon.
Ngayon pa lang ay naramdaman ko na ang lungkot nang iyong pag-alis, pag-alis na bagamat may taning na panahon ay hindi naman natin malalaman kung kailan tayo muling magkikita o hindi na!

Pero gaya nang nasabi ko na, kung saan ka maligaya at may pag-asang magtagumpay, kinakailangan kalimutan ang kalungkutan at magsakripisyo. Tuloy lang ang pakikibaka sa buhay.

Katulad mo, naging matagumpay din ang naging kapalaran ng iyong mga kapatid sa buhay dahil parin sa aking patnubay at ng iyong ina noong ito’y nabubuhay pa.

Katulad mo, malayo narin sila sa akin at may sarili ng buhay at pamilya kaya hindi naging mahirap para sa akin na tanggapin ang iyong paglisan sapagkat hindi kami nabigo na di kayo mabigyan ng magandang kinabukasan na inyo rin hinahangad sa inyong mga anak ngayon at sa dumarating na henerasyon.

Maraming pagsubok sa buhay ang ating hinarap at sinubukan na maging matatag at atin naman napagtagumpayan. Halos lahat nang ito ay tulong-tulong natin nalagpasan. Kabilang na ang malusog na pangangatawan, pagkakamit ng edukasyon na naging hagdan para sa isang magandang kinabukasan.

At ngayon nag-iisa ka nang nabubuhay sa iyong panibagong mundo na malayo sa aking pananaw at pagbabantay, maging maingat ka palagi at huwag kalimutan ang mga aral na natutuhan mula sa amin at sa lahat ng mabubuting Utos ng Diyos.

Mahirap magsimula na mag-isa pero alam ko na ito’y kakayanin mo kahit sa murang edad dahil matapang ka at may malaki pang ambisyon na maging piloto sa himpapawid bagamat nakatapos kana ng ibang kurso sa kolehiyo.

Kung sakaling wala na ako sa mundong ito sa panahong nakamit muna ang mas higit mong adhikain sa hinaharap at magkaroon ng sariling pamilya, huwag mo lang kalimutan ang palaging magdasal para sa iyong sarili at kaligtasan ng iba at kapayapaan sa buong mundo. Lagi mong isipin kung saan ka nagsimula.

Magulo ang ating kapaligiran at kahit na sa maraming panig ng daigdig dahil narin sa kagagawan ng mga tao. Madalas nangyayari ang patayan, nakawan at bangayan sa pribadong sektor at mga politiko na nasa pamahalaan.

Hindi ko naman nilalahat, pero marami sa mga politiko na kaya gustong mahalal ay hindi upang mag serbisyo kung hindi upang nakawan ang kaban ng bayan at mga tao. Mga santo sa panglabas na anyo pero dimonyo pala ang panloob! Baka buhay pa ang mga ito ay sinusunog na sa impiyerno ang kanilang mga kaluluwa!
Sa loob ng 68 taon na ako ay bumoboto, naisip ko nang huwag bumoto sa dumarating na eleksiyon dahil hindi ko na masikmurang tanggapin pa ang mga ganitong politiko na ginagawa din katatawanan ang makapasok sa gobyerno.

Pati mga taong nakakulong at patuloy na humaharap sa mga kaso ay nabibigyan parin ng pagkakataon na makapasok sa politika sa katwiran hindi pa sila napatunayan nagkasala gayung lantaran nang ipinakikita sa publiko ang mga karumaldumal na krimen na ginawa. Kung ang mga patay na ay nagagawa pang bomoto, lalu’t higit ang nabubuhay pa na kayang manohol sa mga taong gahaman sa salapi at kapangyarihan. Ikinahihiya ko na ang maging Pilipino. Mga buwisit!

Ngunit ang mga ito’y hindi balakid para saiyo anak na hindi makamit ang tagumpay. Gaya nang sinabi ko, matapang ka, malakas at matalino para hindi mo makamtan ang iyong adhikain sa buhay.

Kaya sa iyong ika-24 na kaarawan sa araw na ito at sa marami pang darating na mga taon, ipinaaabot ko ang aking taus-pusong pagbati at mabuhay ka anak, Jin Lorenz S.Tinitigan!

Author

Powered By ICTC/DRS