Site icon Mindanao Times

Brainstorm: The NExt Generation | Pilipinong Pilipino

Bilang pagbibigay pugay sa Buwan ng Wika, pinagpasya ko na magsulat sa wikang Pilipino at ang aking napiling paksa ay ang nakatutuwang pagangkat ng mga salitang Pinoy sa wikang Ingles.

Alam ba ninyo na marami-rami na rin ang mga salita sa wikang Ingles na hango sa Pilipino?

Marami ang nakakaalam na ang salitang “boondocks” ay nagmula sa “bundok” pero alam ba ninyo na ang salitang “kuto” ang pinagmulan ng “cooties” at na naisama na sa mga salitang idinagdag sa wikang Ingles, ayon sa Oxford English Dictionary (OED), ang mga katutubong Pilipinong salita na “adobo”, “ube”, “abaca”, at marami pang iba? Pati nga ang mga salitang “halo-halo” at “pandesal” ay naisama na rin.

Sa kakagamit yata ng Philippine Airlines ay naidagdag na rin nga ang “Mabuhay”, kaya dapat siguro makilala na rin ang “mamsir/sirmam” ng Jollibee at McDo.

Nakakatuwa ring isipin na kasama na sa mga naidagdag sa wikang Ingles ang mga pang araw-araw na ginagamit natin sa lansangan o maaring tawaging mga salitang kolokyal tulad ng “kilig”, “kikay” “bongga”, “KKB” at “gimmick”. Kelan kaya maisasama ang “jowa” at “jinowa” sa Ingles, ano?

Iilan rin ang mga salitang Ingles na binigyan natin ng “Tatak Pilipino”, na tayo lang dati ang gumagamit, na pormal na ring kinilala sa wikang Ingles.

Alam ba ninyo na sa kahabaan ng panahon ay tayong mga Pinoy lang pala ang gumagamit ng “comfort room”? Sa Amerika, “washroom”, “restroom” o kaya “ladies’ room” o “men’s room” ang gamit nila, habang sa Inglatera naman ay “water closet” ang malimit na ginagamit?

Kaya tuloy nung bata pa ako at napadpad sa Hongkong, na kolonya pa noon ng Inglatera, ay halos maihi na ako sa pantalon dahil di ako naiintindihan ng mga tinatanong ko kung nasaan ang “comfort room”.

Kasama rin rito ang mga salitang “trapo” na mula sa “traditional politician”, “mani-pedi”, “OFW” at pati na ang paggamit ng “high-blood” sa pag tukoy sa taong galit. Tayo rin pala ang gumawa ng mga salitang “carnap” at “carnapper”. Kung sabagay, ampangit nga naman pakinggan yung kinidnap ang kotse.

Biro nyo, kung walang mga Pinoy e hindi maiimbento ang “dirty kitchen”? Dito lang yata kasi sa atin ang may magandang kusina sa loob ng bahay na pang display lang, pero, dahil ayaw ito madumihan, sa labas ng bahay nagluluto ang mga kasambahay, kay ayun…..”DIRTY KITCHEN”. Mabuti na lang at ang salitang “sorbetes” ang tinanggap sa wikang Ingles at hindi “DIRTY ICE CREAM”.

Sa larangan ng pulitika, masyado kasing nakakatamad para sa Pinoy na sabihin ang “probable candidate for President”, yung hindi pa panahaon ng kampanya, at “candidate for President”, habang kampanya na, kaya ginawa natin ang salitang “PRESIDENTIABLE”.

Nakita naman yata ng mga banyaga na maganda pakinggan kaya idinagdag na rin sa Ingles. Mahirap lang yata gayahin sa Inglatera at medyo sintunado ang tunog ng “Prime Ministeriable”.

Bakit nga ba idinadagdag sa wikang Ingles ang mga salitang hango sa wikang Pilipino o mga terminolohiyang sadyang gawang Pinoy?

Marahil, dahil siguro kinikilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang gumagamit ng wikang Ingles. Maaari rin siguro na kinikilala nila ang likas na galing ng mga Pilipino sa larangan, o sining, ng paggawa ng mga bagong salita.

Diba nga, saang lupalop pa ba mangyayari na kapag nagka-anak na lalaki sina Jose at Maria, malamang “JOMAR” ang pangalan? At, sa paglaki ni Jomar, mapapangasawa nya si “ALGER”, na anak nina Alma at Gerardo.

Kung ano man ang dahilan, dapat na lang siguro nating ikasaya (o ikahiya ba?) na diretsong Ingles na pala ang “LET’S GO GIMMICK, WE’LL JUST KKB, AND GIRLS, MAKE SURE YOU DRESS BONGGA AND DON’T FORGET YOUR KIKAY KIT, SO THAT THE BOYS WILL BE KILIG!”

MABUHAY ANG PILIPINAS, MABUHAY ANG WIKANG PILIPINO AT MASAYANG BUWAN NG WIKA SA INYONG LAHAT!

Author

Exit mobile version